Nasa Tagaytay kami nang matanggap nyo ang mahiwagang envelope. Luha ni Tatay ang sumalubong sa akin pag-uwi ko. Hindi ko alam kung good o bad news ba ang pagkaka-approve sa visa nyo. Ang alam ko lang noon, excited ako para sa inyo at sa mga ipapadala kay Ate. May takot at lungkot pero hindi ko muna inintindi.
Ngayon, magdadalawang buwan na ang nakalipas mula ng lumipad kayo papuntang Canada, naaalala ko pa ang pag-aasikaso ko ng passport, visa, plane ticket at bagahe nyo. DFA, Canadian Embassy, SM, Divisoria. Naaalala ko pa ang mga baon nyo. Naalala ko pa ang sulat na ginawa ko para masamahan kayo hanggang sa pag-check-in sa airport. Naaalala ko pa ang mga habilin nyo.
At naaalala ko pa ang sinabi ni Nanay bago umalis sa bahay, "Hindi ko alam kung tama ang gagawin namin..." sabay tulo ng luha.
Masyado pang maaga, pero para sa akin, kung para sa ikabubuti ng anak, walang gagawing mali ang magulang.
Apat na taon na ang nakalipas mula ng umalis sila Ate. Tatlo na ang anak nya noon, pero nasa tiyan pa niya ang isa. Tatlong taon ang panganay nya at anim na buwan ang sumunod. Ngayon, muli kayong nagkita-kita. Nai-imagine ko, puno na ang iyakan at tawanan sa airport nang salubungin nyo sila.
Ako, ilang gabing umiiyak bago at pagkatapos nyong umalis. Maraming pagkakataon na iniisip ko na sana boses ulit ni Tatay ang nagpapatulog kay Rian o kamay ni Nanay ang nagpapaligo kay Rian, na sana si Tatay ang naglilinis ng bahay o si Nanay ang nagluluto, na sana pwede pa akong matulog ng mas matagal o mag-ubos ng oras sa pag-i-internet.
Pero siyempre, tuloy ang buhay, move on lang ng move on. Hanggang sa...
Ngayon, Tatay at Nanay, nagpapasalamat ako dahil iniwan nyo ako.
Dahil kung hindi nyo ako iniwan, hindi magiging exciting ang bawat Sabado morning ko. Dahil kaming dalawa lang ni Rian ang magkasama, kailangan kong maghanda ng almusal ni Irvin, makisayaw kay Rian sa Hi-5, patulugin si Rian para sa kanyang morning nap, makisayaw kay Rian sa Showtime at maghanda ng disenteng tanghalian.
Dahil kung hindi nyo ako iniwan, hindi ako matututong mag-research ng recipes, mag-grocery, ma-pressure habang nasa harap ng kalan, magluto ng chicken fillet in garlic cream sauce, pork bistek, beef mechado at beef with mushroom. At higit sa lahat, hindi masasabi sa akin ni Irvin na, "Masarap ka palang magluto!"
Dahil kung hindi nyo ako iniwan, hindi ko matututuhang maging independent kahit dalawang araw lang sa loob ng isang linggo.
Dahil kung hindi nyo ako iniwan, kahati ko kayo sa oras ni Rian. Ngayon solong-solo ko siya, hehehe!
Alam ko na ang dahilan ng pag-alis nyo ay para sa ikabubuti ni Ate, pero hindi sinasadya, para sa ikabubuti ko din pala.
Dahil higit sa pagiging anak, magulang din ako...na ngayon ay ramdam na ramdam ko.