Friday, June 12, 2009

time first!

Pana-panahon ang pagkakataon
Maibabalik ba ang kahapon?


~ * ~ * ~ * ~ * ~ * ~

'Yan ang panimulang linya ng Kanlungan ni Noel Cabangon. Para akong bumabalik sa dekada '80 at '90. 'Yan ang dekada ko.

Ang buhay nga naman, punong-puno ng contradictions.

Noong bata ako, gusto ko nang tumanda. Inip na inip ako sa panahon. Gusto ko na magbihis ng jeans and shirt, matutong mag-make-up at kumita ng sariling pera sa panahong dress pa ang pinapasuot sa akin ni Nanay kapag aalis, alikabok at pawis mula sa paglalaro ang nasa mukha ko at mga baryang naiwan lang ni Tatay ang pera ko.

Pero ngayong grown-up na ko (ayoko sabihing "matanda" na ako, halata ba?), sulit nga ba ang pagkainip ko? Eto na ba ang estado na noong bata ako e "something to look forward to"?

Hindi ko masasabing nasayang ang kabataan ko. Sulit, pare!

Sa sobrang sulit, 'yan ang nami-miss ko ngayong grown-up na ko.

Sapilitan ang pagtulog sa tanghali. Minsan, natatakasan ko si Nanay, pero magaling siyang bantay kaya madalas, hindi. Nakikisawsaw ako sa paglalaba ni Nanay, kunwari tumutulong pero naglalandi lang ng tubig at ng bula. Tinatapos ang isang papel, front and back, ng paulit-ulit na Aa, Bb, Cc, and so on.

Tagabilang kami ni Ate ng barya ni Tatay kapag galing siya sa pasada. Ang sumobra, amin na. Nakakabingi ang boses ni Tatay kapag tinatawag na ako, isang mahabang " Neeeeeeeeeeng!" Ooops, oras na para umuwi. Tagatapak ako ng likod ni Tatay at tagatanggal ng puting buhok.

Sino'ng hindi makakaalala sa Batibot? Sa mga kantang itinuro nito? Sa mga characters na nagbibigay kulay sa buhay ng mga kabataan na sandaling humihinto sa paglalaro para lang makinig kay Kuya Bodjie? (Pinapanood din ako ni Nanay ng Sesame Street para daw matuto akong mag-English.)

Masarap ang maligo sa ulan, lalo na kung nakatapat ka sa alulod. Masarap magtampisaw sa baha at gumawa ng bangkang papel. Hindi ko pa naiisip na may wiwi ng pusa 'yung tubig galing sa bubong o may wiwi ng daga 'yung tubig-baha.

Kapag nilalagnat ako, pakiramdam ko mamamatay na ako. Pero unti-unti akong gagaling kapag tinanong na ni Nanay, "Anak, ano'ng gusto mong ulam?"

The best ang summer dahil sa outing sa mga beach kahit sa tabi-tabi lang. Deadma kung anuman ang kulay ng buhangin, basta my alon, sugod!

Kapag in-the-mood akong gumawa ng outdoor activities, pipigilan ko ang nagbabadyang ulan sa pamamagitan ng pagdo-drawing ng araw sa lupa. Dapat naka-smile para effective.

Speaking of outdoor activities, hindi ba't nakaka-miss ang taguan, patintero, hagarang upo, hagarang baboy, hagarang artista, siyatok, langit-lupa at touch-body-out? E ang Chinese garter, jackstone at snakes 'n ladder? At ang bahay-bahayan, kotse-kotsehan at titser-titseran? O ang manghuli ng iba't ibang klase ng tutubi?

Madalas ang brownout kaya uso ang sari-saring horror stories. Pinakasikat siyempre 'yung white lady sa may H.E. ng elementary school. Sabay may hihirit ng, "Hoy! Biyernes ngayon, bawal magkuwentuhan ng nakakatakot!"

Naniniwala ako na papalitan ng daga ang ngipin ko, na may ikinakasal na ibon o tikbalang kapag umulan habang umaaraw, na maiihi ako sa kama kapag pinaglaruan ko ang apoy sa kandila, na tutubo sa loob ng katawan ko ang buto ng kalamansi na nalunok ko, na may lalabas na tren sa sugat ko, na namamatay ang Diyos kapag Biyernes Santo.

Ngayon, grown-up na ako. Jeans and shirt na ang karaniwang outfit ko, pwede ko nang pag-aralan ang pagme-make up at kumikita na ako ng sarili kong pera. Iba na ang gawain at paniniwala ko. Ibang-iba na.

Kaya minsan, pinapangarap ko pa din ang muling maging bata.

'Yung mawawala ang lahat ng sakit kapag hinipan na ni Nanay ang sugat.

'Yung feeling na mayaman ka kahit tatlong piso lang ang laman ng bulsa.

'Yung lahat ng pagkakamali ay nalulutas lang ng isang mapagkumbabang "Sorry po…"

'Yung kaya mong pasayahin ang mga tao, lalo na ang pamilya mo, sa pamamagitan ng isang simpleng song-and-dance number.

'Yung walang pakialam sa pera o sa sasabihin ng iba.

'Yung pwedeng maging si Doctor Quack-Quack para maiayos ang lahat ng buhol sa buhay.

'Yung solve na ang lahat ng pighati sa isang cone ng dirty ice cream.

'Yung makulay na ang mundo dahil sa 8-color Crayola.

'Yung parang naaabot na din ang pangarap mo kasabay ng paglipad ng saranggola.

'Yung ang mga pangako ay pwede mong lagyan ng "Pwera bawi, isang basong ihi!"

'Yung kapag tinutulak ka na ng mundo, pwede kang sumigaw ng "TIME FIRST!"

~ * ~ * ~ * ~ * ~ * ~

Natatandaan mo pa ba nang tayong dal'wa'y unang magkita
Panahon ng kamusmusan sa piling ng mga bulaklak at halaman
Doon tayo nagsimulang mangarap at tumula
Natatandaan mo pa ba, inukit kong puso sa punong mangga
At ang inalay kong gumamela, magkahawak-kamay sa dalampasigan
Malayang tulad ng mga ibon ang gunita ng ating kahapon
Ang mga puno't halaman ay kabiyak ng ating gunita
Sa paglipas ng panahon, bakit kailangan ding lumisan?
Pana-panahon ang pagkakataon
Maibabalik ba ang kahapon?
Ngayon ikaw ay nagbalik at tulad ko rin ang iyong pananabik
Makita ang dating kanlungan, tahanan ng ating tula at pangarap
Ngayon ay naglaho na, saan hahanapin pa?
Lumilipas ang panahon, kabiyak ng ating gunita
Ang mga puno't halaman, bakit kailangang lumisan?
Pana-panahon ang pagkakataon
Maibabalik ba ang kahapon?
Lumilipas ang panahon, kabiyak ng ating gunita
Ang mga puno't halaman, bakit kailangang lumisan?
Pana-panahon ang pagkakataon
Maibabalik ba ang kahapon?

0 comments:

 
Template by suckmylolly.com